Nakakahiya at sakit sa ulo
Malaking sakit sa ulo at kahihiyan ang aabutin ng ating mga mahal sa buhay na namatay na kung totoong “nasa langit na sila ngayon at gumagabay sa atin”. Imagine, araw-araw nilang nakikita ang mga kalokohang ginagawa natin, tago man o lantad sa publiko.
Opo, may mga nagagawa rin tayong tama na pwede nilang maipagmalaki. Pero dahil sa ating sinful nature ay tiyak mas marami silang nakikitang mga gawaing nakakahiya, yan ay kung totoo ngang “nasa langit na sila ngayon at gumagabay sa atin”.
Walang “rest in peace”
Bagaman maganda sa pandinig at may flavor ng comfort o consolation, pero ang totoo ay walang “rest in peace” na matatamo ang ating mga mahal sa buhay na nangamatay na kung hanggang ngayon ay nakikita pa rin nila ang ating mga struggles dito sa mundo.
Mas maigi na ang malaman ang katotohanan kaysa ma-comfort tayo ng kamalian.
Mabuti na lang at marunong talaga ang Dios
Salamat na lamang at marunong at mabuti ang Dios. Ang turo Niya, ang mga taong namatay ay hindi sa langit o impyerno napupunta agad-agad, kundi bumabalik ang katawan sa lupa at ang hininga ng buhay (walang sariling pag-iisip ang hininga ng buhay) ay bumabalik sa Dios.
“Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito.”
Ecclesiastes 12:7 MBB
“Ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.”
Awit 146:4
Walang kakayanang pumuri o magpasalamat
Narito pa ang turo sa atin sa aklat ng Salmo patungkol sa mga taong namatay.
“Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan; ”
Awit 115:17
“Sapagka’t sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo? ”
Awit 6:5
“Sapagka’t nalalaman ng mga buhay, na sila’y mangamamatay: nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”
Ecclesiastes 9:5-6
Kung wala silang alam sa anumang bagay, wala silang kakayanang pumuri o magpasalamat, anong ginagawa nila sa langit? Anong magiging itsura ng langit kung mayroon doong mga patay na walang alam, hindi makakapagpuri sa Dios, walang kakayanang magpasalamat?
Huwag nating gawing malaking sementeryo ang lugar ng Dios. Tandaan natin na ang langit ay lugar ng mga buhay, lugar ng mga nilalang na may buhay na walang hanggan!
Sa mga talatang nabanggit sa taas ay dapat malinaw na sa atin na ang mga nangamatay nating mahal sa buhay ay wala pa sa langit ngayon, nagpapahinga sila.
Kailan sila makakarating sa langit?
“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man. Kaya’t mangagaliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito.”
1 Thessalonians 4:16-17
Malinaw sa sulat ni Apostol Pablo ang ang mga nangamatay kay Kristo ay makakarating sa langit sa pagdating ng Panginong Jesus sa ikalawa, hindi sa panahong sila ay namatay.
Bakit mahalagang malaman ito?
Dahil gagamitin ng kaaway ang maling aral ng “immortality of the soul” at spiritualism upang dayain ang mundo lalu na sa huling kapanahunan.
“At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw, at sa bunganga ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. 14 Ang mga ito’y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan…”
Revelation 16:13-14 MBB
Kung ang mindset natin ay may kaluluwang umaalis sa katawan ng namatay, at ang kaluluwang ito ay may sariling pag-iisip at kakayanang gumala o pumunta sa langit, madali tayong madadaya ng mga masasamang espritu. Gagayahin lamang nila ang itsura, boses, mannerisms, etc ng ating mahal sa buhay na namatay na at magbibigay sila ng mga mensahe o aral na labag sa salita ng Dios.
Pero dahil nalaman na natin sa maikling pag-aaral na ito na ang mga namatay ay hindi sa langit o impyerno napupunta, at wala silang kakayanang mag-isip, pumuri at magpasalamat ay hindi tayo madadaya ng kaaway.
Sa panahong magpakita kuno ang “ating mahal sa buhay” na namatay na, maaari nating sabihing “nakikita kita, naririnig kita, pero hindi ikaw ang namayapa kong mahal sa buhay! Sa ngalan ni Jesus, lumayas ka sa harapn ko, masamang espiritu!”
Salamat sa Dios dahil ang ating mga namayapang mahal sa buhay ay “natutulog lang” o nagpapahinga, at wala silang kakayanang makita o gabayan tayo. Sapat na ang Biblia, ang Holy Spirit, at mga anghel ng Dios para gabayan tayo araw-araw. Sa ganitong tamang aral patungkol sa kamatayan ay totoong may “rest in peace” silang mga namatay.