Minsan kailangan nating maisip o maala-ala na ang Jesus na ating pinatay sa krus dahil sa ating mga kasalanan ay Siya ring lumalang sa atin.
Si Jesus ay Manlalalang
Sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.
Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.
Colosas 1:15-17 ABTAG2001
“Subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya’y ginawa ang mga sanlibutan.
Hebrews 1:2 ABTAG2001
Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa. Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.
John 1:1-4,14 ABTAG2001
Ayon sa kalooban ng Ama ay nilalang ng Dios ang planetang ating ginagalawan sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Hindi tumagal ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at tayo ay dapat na mailayo sa kalwalhatian ng Dios dahil kung hindi ay tiyak na kamatayan ang ating daranasin sa harap ng banal na Dios.
Si Jesus na Anak ng Dios na ating pinatay sa krus
Ganunpaman, may plano na ang Dios upang maibalik ang orihinal Niyang ninanais para sa atin, at ito ay ang makapiling Niya ang Kanyang mga nilalang na ligtas sa kasalanan.
Iniwan ng Anak ang Kanyang glory sa langit upang matubos sa kasalanan ang mga taong Kanyang nilikha. Bumaba Siya bilang alipin upang matupad ang hatol ng kautusan sa mga nagkasala, ang hatol na kamatayan.
Sa halip na tayo ang mamatay dahil sa katigasan ng ating mga ulo at paulit-ulit na pagkakasala ay gumawa ang Dios ng paraan upang magkaroon tayo ng pagkakataong makabalik sa Kanya.
Sa plan of salvation na ito ay kusang pumailalim ang Anak ng Dios, si Jesus, sa planong pagliligtas sa atin.
At naging tao ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.
John 1:14 ABTAG2001
Ang kamay na humulma sa ating unang mga magulang na sina Adan at Eba ay siya ring kamay na pinukpukan natin ng matatalas na pako at itinali sa krus.
Ang boses na lumikha ng sanlibutang ito ay siya ring boses na sumigaw ng “It is finished” sa krus.
Ganito tayo kamahal ng Dios.
Si Jesus rin ang darating upang kunin ang mga banal para sa Kanyang kaharian
“Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin.
Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako’y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo?
At kung ako’y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako’y babalik at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.
John 14:1-3 ABTAG2001
Ang plano ng pagliligtas ay hindi pa lubos na natutupad. Ang kasalanan ay patuloy pa ring sumasagana. Ang pagkapako ni Jesus sa krus ay bahagi lamang ng planong kaligtasan.
Ang Anak ng Dios ng lumikha sa atin, si Jesus na ipinako natin sa krus ay Siya ring muling darating upang lubusang ganapin ang pagliligtas sa tao.
“Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit.”
Acts 1:11 ABTAG2001
Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.
Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.
1 Tesalonica 4:16-17 ABTAG2001
“Patawad po, Dakilang Ama, sa mga pagkukulang namin. Nang dahil sa katigasan ng aming mga puso ay naipako namin ang Iyong Anak na si Jesus sa krus. Salamat po sa Inyong dakilang pagibig at paglalang sa amin. Salamat po at hindi Ninyo kami pinabayaan sa kamay ni Satanas. Salamat po at may plano Kayong ibalik kami sa Inyong kaharian. Amen.”
Ano ang masasabi mo sa dakilang pag-ibig na ito ng Dios sa atin?