• Ako, ako nga ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin, at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.

    Isaiah 43:25
two-goats-day-of-atonement

Sanctuary activities at relevance nito sa panahon natin

[addthis tool="addthis_inline_share_toolbox_qk34"]

Sa nakaraang article ay natutunan natin ang apat na sections ng sanctuary, kasama na doon ang iba’t-ibang furniture na makikita sa bawat section. Nabigyan rin natin ng konting application at significance kung bakit mahalagang pinag-aaralan natin ang bahay ng Dios o ang sanctuary.

Natutunan natin na ang bawat section ng sanctuary ay nagpapakita ng iba’t-ibang stages ng paglalakbay ng isang tao patungo sa Dios. Makikita rin natin sa mga susunod na articles na ang bawat section sa sanctuary ay nagpapakita rin ng gawain ng ating Panginoong Jesus para sa ating kaligtasan.

Nakita rin natin na ang bawat furniture ay pawang simbolismo lamang at ito ay may nirerepresentahang totoong pangyayari na may kinalaman sa ating kaligtasan.

Sa article na ito ay pag-aaralan naman natin ang mga activities o gawain sa loob ng bahay ng Dios o sanctuary. Sa pag-aaral ring tio ay matutunghayan natin kung saan napupunta ang kasalanan, at kung kailan ito totally mawawala.

Substitutionary Atonement

Ang bilin ng Dios kina Adan at Eba ay huwag kakain ng bunga ng tree of knowledge of good and evil, at kapag sinuway ay tiyak ang kamatayan para sa kanila. Ito ay bilang test sa kanila upang malaman kung kanino ang kanilang loyalty: sa Dios ba, o sa sarili at kaaway?

Nangyari nga na sinuway nila ang bilin ng Dios, at ang kabayaran ng kanilang pagkakasala ay kamatayan (Romans 6:23). Kailangang mamatay sila Adan at Eba.

Ngunit hindi sila namatay ng araw ding iyon dahil may namatay para sa kanila, at ito ay isang hayop (Genesis 3:21). Balat ng hayop ang damit na ginamit ng Dios para takpan ang kahubaran nila Adan at Eba. Dahil dito ay may namatay nang araw ding iyon para sa kanila, ang hayop.

Dito nag-umpisa ang substitutionary atonement na tumuturo sa ating Panginoong Jesus bilang “Handog na namatay para sa atin”.

Sa sanctuary makikita ang lubusang pagkaunawa sa substitutionary atonement. Binigay ng Dios ang sistema ng sanctuary upang maunawaan natin ng tama ang paraan ng Dios ng pagtubos sa tao mula sa pagkakasala. Siya mismo ang nagplano at nagdesinyo ng sistemang ito.

Mahalagang maunawaan natin ang sistemang ito dahil ito ang ginamit ng Dios bilang pattern o modelo upang maunawaan natin ang maraming aral ng Biblia.

Daily activity o sacrifices

Ang taong nagkasala at nagnanais na magbalik-loob sa Dios ay maghahanda ng isang hayop na malusog at walang sakit bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan (Exodus 12:5). Ganito ang ginagawa nila noon sa Lumang Tipanan.

Nirerepresentahan nito ang ating Panginoong Jesus na Tupang Handog na walang bahid ng pagkakasala (1 Peter 1:19).

Pagpasok ng repentant sinner sa sanctuary ay ihaharap niya ang handog sa priest. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at sasambitin ang mga kasalanang nais niyang malinis mula sa kanyang puso.

Sa pamamagitan ng seremonyang ito ay naililipat ang kasalanan mula sa tao patungo sa handog na hayop.

Sunod nito ay ilalagay ang katawan ng tupa sa Altar of Sacrifice upang doon ay susunugin. Nirerepresentahan nito ang sakripisyong ginawa ni Jesus sa pamamagitan ng pagpako sa krus.

Ang tubig sa Laver ay gagamitin upang ipanghugas sa kamay, na sinisimbuluhan naman ng paghuhugas ng kasalanan sa pamamagitan ng baptism.

Kukuha ang priest ng dugo ng tupa at dadalhin ito sa loob ng sanctuary, sa Holy Place. Sa loob ng Holy Place ay haharap ang priest sa dako kung saan naroon ang Sampung Utos ng Dios at doon ay iwiwisik ang dugo ng tupa.

Ngunit ang Sampung Utos ng Dios ay hindi nakikita ng priest dahil ito ay nasa loob ng Ark of the Covenant, at ang Ark of the Covenant naman ay nasa loob ng Most Holy Place na nahaharangan ng kurtina. Kaya sa panahon ng pagwiwisik ng dugo ay sa kurtina actually napupunta ang dugo bagaman ang intention nito ay maipresenta sa Sampung Utos.

Sa pagkakataong ito ay natutupad ang requirement ng kautusan na “kamatayan sa pamamagitan ng dugo para sa anumang paglabag”. Dito ay natatapos ang seremonya ng paghihingi ng kapatawaran para sa isang individual na nagkasala.

Continually

Isa sa mga gawain ng pari sa sanctuary ay siguruhing palagiang gumagana at may laman araw-araw (o weekly para sa tinapay) buong taon ang mga sumusunod:

  • Handog na tupa sa Altar of Sacrifice (Exodus 29:38,42)
  • Langis at ningas ng apoy sa Lampstand (Exodus 27:20)
  • Mabangong incense sa Altar of Incense (Exodus 30:7-8)
  • Labingdalawang tinapay sa Table of Shewbread (Leviticus 24:7-8)

Ito ang mga activities na makikita araw-araw sa loob ng earthly sanctuary. Mapapansin na ang pari ay hanggang sa Holy Place lamang sa mga pagkakataong ito. Mapapansin rin na ang kasalanang inihihingi ng tawad ay individual.

Yearly activity (Day of Atonement)

Araw-araw ay may repentant sinner na dumudulog sa sanctuary dala ang hayop na handog. Araw-araw ay may dugong winiwisik sa kurtina na naghahati sa Holy Place at Most Holy Place. Matapos ang isang taon, literal na nadudumihan ng napakaraming dugo ang sanctuary. Matapos ang isang taon, ang buong kasalanan ng Israel ay napupunta sa sanctuary.

Sa pagkakataong ito ay dapat mapansin na ang mga kasalanan ay nasa sanctuary pa at hindi pa tuluyang nawawala sa bayan ng Israel. Dahil dito ay nangangailangang ihingi rin ng kapatawaran ang pinagsama-samang mga kasalanang ito ng buong Israel. Ito ang tinatawag na Yom Kippur o Day of Atonement, at mababasa ito sa Leviticus 16.

“Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan.”

Leviticus 16:161 19 ABTAG2001

Bagaman nag-uumpisa at natatapos ang yearly sacrifice o Day of Atonement ceremony sa outer court, ngunit ang primary focus ng kaganapan nito ay sa Most Holy Place nangyayari.

Sa seremonyang ito ay idinudulog sa Dios ang kasalanan ng buong Israel. Kapag sinagot at pinatawad ng Dios ang kasalanan ng buong Israel ay magpapatuloy ang seremonya, kung hindi naman ay mamamatay ang pari at hihilahin siya palabas ng Most Holy Place. Sa madaling salita ang Day of Atonement ay Day of Judgement rin para sa bansang Israel.

Sa seremonyang ito ay may dalawang kambing na dadalhin sa pinto ng sanctuary (outer court). Ang isa ay ihahandog sa Dios dahil sa kasalanan ng buong Israel, ang isa naman ay gagamitin bilang scapegoat (azazel).

Photo: sareltours.com

Dadalhin ng High Priest ang dugo ng kambing sa Most Holy Place, ipupunas at iwiwisik sa Ark of the Covenant kung saan naroon ang Mercy Seat at Sampung Utos ng Dios bilang kabayaran ng kasalanan ng buong Israel.

Habang isinasagawa ito ay nag-aayuno at nananalangin naman ang mga Israelita sa labas ng sanctuary.

Sa pamamagitan ng pagtunog ng mga maliliit ng kampana sa laylayan ng damit ng High Priest ay nasusubaybayan nila ang kaganapan sa loob ng Most Holy Place ng sanctuary. Hindi nila nakikita ang high priest, ngunit sumasampalataya silang tinutupad nito ang kanyang gawain.

Kapag dininig ng Dios at napatawad sa kasalanan ang buong Israel ay lalabas ang high priest mula sa Most Holy Place at babalik sa pinto ng sanctuary. Susunod na gagawin ay ang seremonya ng scapegoat.

Ipapatong ng high priest ang kanyang kamay sa ulo ng scapegoat at sasambitin ang lahat ng mga kasalanan ng buong Israel. Nagpapakita ito ng paglilipat ng lahat ng mga kasalanan mula sa sanctuary patungo sa scapegoat.

Dadalhin naman ng isang tao (fitman) ang scapegoat sa wilderness na kung saan ay walang nakatira at iiwan doon at titiyaking ang scapegoat ay hindi makakabalik sa mga tao. Dito ay ipinapakita ang tuluyang pagkawala ng kasalanan sa sanctuary at buong kampo ng Israel. Ito ang dahilan kung bakit ang seremonya ng Day of Atonement ay tinatawag ring “cleansing of the sanctuary”.

Relevance ng daily at yearly sacrifices sa panahon natin

Mahalagang maunawaan ang mga seremonyang ito upang tama ang pagkaunawa natin sa process ng paglilinis ng Dios sa ating mga kasalanan. Ang detalyeng ito na Dios mismo ang nagdisenyo ay maglalayo sa atin sa mga maling aral.

Tandaan natin na ang mga seremonyang ito ay mga “anino” lamang na may tunay na kaganapan patungkol sa ministeryo ng ating Panginoong Jesus.

Ang ating paghingi ng kapatawaran sa mga kasalanan at pagtanggap kay Jesus bilang Tagapagligtas ay ang prosesong makikita sa daily sacrifices. Si Jesus ang ating Tupang Handog, sinasambit natin sa Kanya ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay tinatanggap natin na naililipat ang ating mga kasalanan sa Panginoong Jesus.

Matapos ang Kanyang pagkabuhay na magmuli ay umakyat Siya sa langit dala ang dugo sanhi ng ating mga kasalanan at ito ay “iwiwisik” sa harap ng Ark of the Covenant kung saan naroon ang Sampung Utos ng Dios at Kanyang Mercy Seat.

Dahil sa pagiging perpektong Handog ni Jesus, ang Kanyang sakripisyo sa cross ay katanggap-tangap sa Ama alang-alang sa atin. Nakasisiguro tayong positibong sinagot ng Ama ang ating paghingi ng tawad dahil sa ang Tupang Handog (si Jesus) ay karapat-dapat.

Dito ay makikita rin natin na sa pamamagitan ng dugo ni Jesus ay natupad ang hinihingi ng kautusan na kamatayan para sa bawat kasalanan at paglabag.

What’s next?

Ngunit hindi pa dito natatapos ang lahat. May Day of Atonement pa at scapegoat ceremony na dapat ring mangyari upang totally ay mawala na ang kasalanan sa pagitan ng Dios at Kanyang mga anak.

Kung ang mga seremonya ng daily sacrifices ay natupad noong pagkapako ni Jesus sa krus at pag-akyat Niya sa langit (A.D. 31 onwards), kailan naman natupad o matutupad ang Day of Atonement o ang cleansing of the sanctuary o Day of Judgement?

Sa Daniel 8:14 ay may binabanggit na “unto 2,300 days then the sanctuary shall be cleansed”, at sa Daniel 7:9-10 ay may isinulat na “the Ancient of Days was seated… the court was seated and the books were opened”. Ito ay mga prophecies na higit na mauunawan natin kung alam natin ang daily at yearly sacrifices na ginagawa sa earthly sanctuary.

Bibigyan natin ng mas malawak na meaning at relevance ang seremonya ng Day of Atonement o cleansing of the sanctuary o Judgement Day sa mga susunod na article.

Unti-unti mo na bang naa-appreciate ang kabutihan ng Dios sa pamamagitan ng pagtuturo Niya sa atin ng sistema ng sanctuary?

Visited 357 times, 1 visit(s) today
[addthis tool="addthis_inline_share_toolbox_qk34"]

One thought on “Sanctuary activities at relevance nito sa panahon natin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *