Laganap sa buong mundo ang kultura at doktrina ng immortality of the soul. Hindi lamang sa New Age philosophies, Buddhism, Hinduism, at iba pang non-Christian religions makikita ang aral na ito, maging sa Kristianismo ay ito rin ang paniniwala ng napakarami.
Ang immortality of the soul ay ang paniniwalang may kaluluwang humihiwalay sa katawan ng tao kapag ang tao ay namatay. Pinaniniwalaan na ang kaluluwang ito ay ‘nakatanikala’ sa loob ng katawan sa panahong ang tao ay nabubuhay pa. Kapag namatay na ang tao, ang kaluluwa ay humihiwalay sa katawan. Ang kaluluwang ito ay may sariling pag-iisip, kakayanang kumilos sa sariling kanya, at hindi namamatay.
Sa aral ng maraming Kristiano, ang kaluluwang ito ay napupunta sa langit kung ang tao ay mabait at naniniwala kay Jesus sa panahong siya ay nasa loob ng katawan ng tao. Sa impierno naman siya mapupunta kung nabuhay ng masama ang tao, o sa purgatoryo kung medyo masama at medyo mabuti.
Narito ang ilang mga problema ng aral ng immortality of the soul:
1. Walang aral na immortality of the soul ang Biblia
Kahit basahin ang Biblia magmula Genesis hanggang Revelation, kapag ang salitang soul o kaluluwa ang nababanggit hindi ito dinudugtungan ng salitang immortality o kahit sa diwa man lang.
Ang totoo, maraming talata sa Biblia na nagsasabing ang kaluluwa ay namamatay.
2. Ang kaluluwa ay namamatay, hindi immortal
Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
Ezekiel 18:4 ABTAG1978
Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay:
Ezekiel 18:20 ABTAG1978
Ayon kay Apostle James, ang kaluluwa ay posibleng humantong sa kamatayan.
Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan.
James 5:20 ABTAG1978
3. Dios lamang ay may immortality
Malinaw sa 1 Timothy 6 na ang Dios lamang ay may immortality sa ganang Kanyang sarili. Siya lamang ang personalidad sa buong universe na hindi namamatay.
Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman.
1 Timothy 6:16 TCB
“He alone has immortality” ang pagkakabanggit sa English. HIndi lamang binanggit na “Siya ang walang kamatayan”, bagkus ginamitan pa ito ng salitang “lamang”, “lang”, o “alone” upang masiguro ang mensahe na wala nang iba kundi Siya lamang ang may immortality.
Kung ang tao ay may immortal na sangkap tulad ng kaluluwang humihiwalay sa katawan sa oras ng kamatayan ay lalabas na hindi lamang ang Dios ang immortal, lalabag ito sa 1 Timothy 6:16.
4. Ibinibigay nito ang glory sa tao sa halip na sa Dios
Ang Dios ay omniscient (alam ang lahat ng bagay), omnipotent (makapangyarihan sa lahat), at omnipresent (laging nariyan, ibig sabihin rin ay hindi nawawala o namamatay); at ayon na rin sa talata ng 1 Timothy 6:16 na nabanggit na sa itaas, Dios lamang ang walang kamatayan.
Kung ang tao ay may sangkap sa ganang kanyang sarili na hindi namamatay, ibig sabihin nito may katangian ang tao na dapat ay sa Dios lamang makikita. Sa madaling salita, itinataas ng maling aral ng immortality of the soul ang tao sa level na dapat ay sa Dios lamang.
5. Ginagawa nitong truth-teller si Satanas, at sinungaling ang Dios
Ayon sa mapanuksong pananalita ni Lucifer kay Eba sa Garden of Eden, “hindi ka mamamatay”. (Genesis 3:4). Ngunit ayon sa Dios kapag lumabag sa kautusan ay “tiyak na mamamatay”.
Nakita natin na sinususugan ng aral ng kaluluwang walang kamatayan ang mga salita ni Lucifer. Sino ngayon ang dapat nating sundin: ang aral ni Lucifer na hindi ka mamamatay o ang aral ng Dios na ang kaluluwang nagkakasala ay mamamatay?
6. Ginagawa nitong katawa-tawa ang kamatayan ni Jesus sa krus
Kung totoong ang tao ay may sangkap sa ganang kanyang sarili na hindi namamatay, kung totoo na walang kamatayan ang kaluluwa ng tao, bakit dumating pa si Jesus sa mundo at namatay upang bigyan tayo ng buhay na walang hanggan eh meron na pala tayong sangkap na buhay na hindi namamatay?
Nakita natin na pinapawalang-saysay ng maling aral ng immortality of the soul ang kamatayan ni Jesus. Meron na palang immortality ang tao tapos namatay pa si Jesus sa krus para bigyan tayo ng immortality?! Hindi ba’t ginagawa nitong katawa-tawa ang pagkamatay ng ating Panginoong Jesus?
7. Minamaliit nito ang katawan upang pahalagahan ang ‘kaluluwa’
Sa aral ng immortality of the soul, ang katawan ng tao at time element ay isang negatibong bagay. Habang humahaba ang buhay ng isang tao ay maraming negatibong experiences ang nararanasan sa katawan. Ngunit ang ‘kaluluwa’ ay naroon ang mga positibong mithiin at ninanais ng isang tao. Kaya para sa kanila, mahalaga na makalaya ang ‘kaluluwang immortal’ sa katawan.
Ngunit tinuturo sa atin ng Biblia na ang ating katawan ay hindi maliiit na bagay, bagkus ito ay templo ng Holy Spirit.
O hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo
1 Corinthians 6:19 ABTAG2001
8. Ang aral ng immortality of the soul ay nag-uudyok para madaling magpakamatay (suicide)
Dahil sa mababa ang pagtingin sa katawan ay nagpapatibay ng delikadong kaisipan ang maling aral na ito sa mga taong nais putulin ang kanilang buhay (suicide). Kung mas maganda na makalaya ang kaluluwang immortal sa katawan ng tao, ibig sabihin nito ay mas maganda na mamatay na lamang lalu na kung hindi na makayanan ng kaisipan ang mga problemang dinadanas sa buhay.
So nakita natin na sa halip na makatulong sa buhay ng isang naghihirap ang aral na ito ay mas nag-uudyok pa patungo sa maling gawain.
9. Pinapawalang-halaga nito ang urgency ng muling pagbabalik ni Jesus
Kung totoong pumupunta na sa langit ang kaluluwa ng taong namatay, bakit pa kailangan ng muling pagbabalik ni Jesus?
Maraming talata sa New Testament na lamang na sinasabihan tayong maghanda dahil nalalapit na ang pagbabalik ni Jesus. Halos lahat na ng mga prophecies na binanggit ni Jesus sa Matthew 14 ay nangatupad na, ibig sabihin ay totoong malapit na ang pagbabalik ni Jesus. Pero sa aral ng immortality of the soul, anong saysay ng muling pagbabalik ni Jesus kung nag-eenjoy na sa langit ang kaluluwa ng mga namatay?
10. Ang imortal na buhay ay ibibigay sa pagbabalik ni Jesus, hindi sa panahon ng kamatayan
Sapagkat kung tayo’y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.
15 Sapagkat ito’y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog.
16 Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.
17 Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.
1 Thessalonians 4:14-17 ABTAG2001
Malinaw sa mga talata na ang gantimpalang eternal life ay ibibigay lamang sa mga banal sa panahon ng pagbabalik ni Jesus sa pagtunog ng trumpeta, hindi sa panahon ng kamatayan ng isang tao. Narito pa ang isang talata:
sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo’y babaguhin.
53 Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
1 Corinthians 15:52-53 ABTAG2001
11. Ang aral ng immortality of the soul ay pinto para sa iba pang mga maling aral
Kung totoong nasa langit na ang kaluluwa ng mga namatay at maaari nating kausapin upang tayo ay gabayan, ito ay maghahatid sa atin sa isang maling gawain na kasuklam-suklam sa Dios. Ito ay ang pakikipag-usap sa patay.
Huwag makakatagpo sa iyo ng sinumang nagsusunog sa apoy ng kanyang anak na lalaki o babae bilang isang handog, ng manghuhula, o manggagaway o engkantador, o mangkukulam, o gumagamit ng anting-anting, o nagpapagamit sa masasamang espiritu, o salamangkero, o sumasangguni sa mga patay.
Deuteronomy 18:10 ABTAG2001
Alam nating may kapangyarihan rin si Satanas at ang kanyang mga anghel. Kung kaya nilang mag-anyong mabuting anghel o angel of light (2 Corinthians 11:14), kaya rin nilang kopyahin ang itsura, boses, mannerism ng mga mahal sa buhay nating namayapa na.
Paano tayo nakakasiguro na mga mahal sa buhay nga natin ang ating kinakausap? Paano kung sabihin nila na halimbawa ay “galing akong langit at sinabi sa akin ni Apostle Pedro na kailangan mong ibigay lahat ng kayamanan natin kay pastor”? Paano kung mag-claim ito ng isang bagay na taliwas sa sinasabi ng Biblia? Ang aral ng immortality of the soul ay magbubukas ng malawak na pinto sa mga aral ng diablo.
Ang totoo, walang rest in peace na matatamo ang ating mga namayapang mahal sa buhay kung totoong nasa langit na sila ngayon at nakikita pa rin nila at ating mga paghihirap dito at ang mga hindi kanais-nais at kababalaghang ginagawa natin sa buhay.
12. Ang spiritualism ay medium ni Satanas upang maraming madaya sa huling kapanahunan
Ang spiritualism (kasama na ang aral ng immortality of the soul) ay alas ni Satanas sa huling kapanahunan upang marami siyang madaya. Narito ang babala sa atin:
Sila’y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Revelation 16:14 ABTAG2001
Conclusion
Sa maikling pag-aaral na ito ay nakita natin ang ilan lamang sa mga seryosong problemang ibinibigay ng aral ng immortality of the soul. Pinupuntirya nito ang salita ng Dios at ang Dios mismo dahil ang aral na ito ay hango kay Lucifer noon pa man sa Garden of Eden. Bagaman laganap sa sangka-Kristianuhan, sa Hollywood, sa mga pop songs, sa mga TV series, sa mga Eastern religions, ngunit kung labag ito sa Biblia ay hindi natin dapat itong pinaniniwalaan.
Oo, may mga talata sa Biblia na tila sumusuporta sa aral ng immortality of the soul. Ngunit lahat ng mga talatang ito ay may kasagutan at paglilinaw ngunit hindi ito ang laman ng maikling article na ito. Asahan natin na sa mga susunod na posts ay iisa-isahin natin ang pagka-clarify sa mga talatang ginagamit na tila sumusuporta sa maling aral ng kaluluwang imortal.