Ang pag-aaral ng sanctuary ng Dios ay maglalayo sa atin sa napakaraming maling aral dahil ito ang pattern na ibinigay ng Dios upang matutunan natin ang Kanyang daan.
Natukoy natin sa nakaraaang pag-aaral ang geography ng sanctuary na mayroon itong apat na sections. Sa pag-aaral ng sanctuary, kalimitang napag-uusapan ang tungkol sa Outer Court, Holy Place, at Most Holy Place; ngunit malimit nakakaligtaan ang tungkol sa Encampment.
Kahalagahan ng pag-aaral ng Encampment
Mahalagang pag-aralan ang Encampment dahil dito nag-uumpisa ang pag-execute sa plano ng kaligtasan ng Dios. Dito rin natin makikita kung bakit qualified si Jesus na maging Tupang Handog at High Priest ng bagong tipanan.
Ang Encampment ay kung saan naroon ang tent ng mga Israelita. Dito sila nakatira at dito rin pinapalaki at inaalagaan ang mga hayop na iaalay. Kailangang masiguro na ang sacrificial animal ay walang kapintasan.
Ang inyong kordero ay walang kapintasan, isang lalaki na isang taong gulang; inyong kukunin ito sa mga tupa o sa mga kambing.
Exodus 12:5 ABTAG2001
Subalit ang ipinangtubos sa inyo ay ang mahalagang dugo ni Cristo. Siya ay tulad ng isang korderong walang kapintasan at walang dungis.
1 Peter 1:18-19 SND
Ang pagiging walang dungis ng hayop na handog ay nagtuturo sa pagiging walang dungis o bahid ng anumang kasalanan ng ang ating Panginoong Jesus bilang Tupang Handog at High Priest sa bagong tipanan.
Bakit kailangang magkatawang-tao si Jesus?
Kung si Jesus ay tao lamang at hindi Dios, at Siya ang namatay at tumubos sa ating mga kasalanan ay maaring ipagmalaki ng mga tao na ang tumubos sa atin ay kapwa natin tao at hindi talaga ang Dios.
Ganito ang tema ng maraming Hollywood movies: na ang huling alas mo sa panahon ng kagipitan ay ang sarili mo o kapwa mo tao; walang Dios na tutulong sayo, at ang “Jesus Christ” nila ay maririnig lamang sa mga expressions tulad ng pagkagulat o pagmumura. Ngunit hindi ganito ang katotohanan.
Si Jesus ay nasa anyong Dios bago pa man Siya nagkatawang-tao.
Bagaman siya ay nasa anyong Diyos, hindi niya itinuring na kailangang pakahawakan ang kaniyang pagiging kapantay ng Diyos. Bagkus ginawa niyang walang kabuluhan ang kaniyang sarili at tinanggap niya ang anyo ng isang alipin at nakitulad sa tao.
Philippians 2:5-7 SND
‘Morphe’ ang salitang ginamit sa salitang ‘anyo’ o ‘form’. Ang ibig sabihin nito ay ‘substance’ o ‘essence’. Si Jesus at ang Ama ay parehas ng substance o kalagayan.
Dahil sa Dios si Jesus bago pa man Siya nagkatawang-tao at Siya ang namatay sa krus bilang tao ay masasabi nating Dios ang tumubos sa atin.
Bilang Dios ay kailangan ni Jesus maging tao upang matubos tayo sa ating pagkakasala. Tao ang nagkasala sa pamamagitan ni Adan, tao rin ang dapat na mamatay bilang kabayaran sa kasalanan.
Halos 95% ng Kanyang buhay bilang tao sa planet Earth na ating ginagalawan ay upang tuparin ang pagiging “handog na walang kapintasahan”.
Nagkatawang-tao ang Dios
Ang Dios, bilang may-ari ng immortality, ay hindi namamatay. Kailangang maging tao si Jesus upang mamamatay Siya sa krus ng dahil sa katigasan ng ating mga ulo.
Si Jesus ay ipinanganak ni Maria (Galatians 4:4), na mula sa lahi ni Abraham (Galatians 3:16) at David (Revelation 22:16), at nanirahan sa gitna natin (encampment, John 1:14).
Nang sabihin ni John The Baptist ang katagang “Behold, the Lamb of God…” (John 1:29) ay alam ni Jesus ang Kanyang ginagampanan at mangyayari sa Kanya sa mga susunod na araw.
Ang pagiging Dios at tao ni Jesus ay isang misteryo na nagpapakita ng dakilang pag-ibig ng Dios sa tao.
Nahayag ito na may katiyakan. Ang hiwaga ng pagkamaka-Diyos ay dakila: Nahayag sa laman ang Diyos. Inihayag ng Espiritu na siya ay matuwid. Nakita siya ng mga anghel. Ipinangaral siya sa mga Gentil. Sinampalatayanan siya ng sanlibutan. Tinanggap siya sa kaluwalhatian.
1 Timothy 3:16 SND
Tinukso bilang tao, ngunit hindi nagkasala
He can have compassion on those who are ignorant and going astray, since he himself is also subject to weakness.
Hebrews 5:1-2 NIV
Sa pagkakataong ito ay isa lang ang dapat gawin ni Satanas upang hindi matuloy ang pagbibigay ng kaligtasan ng Dios sa tao, at ito ay siguruhing magkasala si Jesus, kahit isa o minsan lang. Sa panahong magkasala si Jesus ay hindi na Siya maaring maging Tupang Handog o High Priest. Ibig sabihin nito ay wala nang maaaring magligtas sa atin.
Sa Matthew 4 ay mababasa natin ang tatlong klase ng tukso na ibinigay ni Satanas kay Jesus. Ang mga tuksong ito ay malalim at sumasaklaw rin sa iba’t-ibang uri ng tuksong maaaring ibigay ni Satanas sa atin.
Ayon sa sulat ni James, ang Dios ay “hindi maaaring matukso ng mga kasamaan” (James 1:13). Ito rin ang isang dahilan kung bakit kailangang magkatawang-tao si Jesus, upang mabigyan ng pagkakataon si Satanas na matukso si Jesus sa isang patas na kalagayan.
Kung taglay ni Jesus ang pagiging Dios noong tuksuhin Siya ni Satanas ay hindi ito magiging valid dahil iniisip pa lamang ni Satanas ang kanyang gagawin ay alam na agad ito ni Jesus sa kalagayan Niyang Dios. Ngunit ng tuksuhin ni Satanas si Jesus ay nasa kalagayang tao ang ating Panginoong Jesus.
Tanging ang pagkakaroon ng faith ni Jesus at relasyong tested na ng panahon sa Kanyang Ama ang nagpatibay kay Jesus upang malampasan ang mga tukso ni Satanas.
Siya ay sinubok sa lahat ng paraan katulad natin ngunit siya ay hindi nagkasala.
Hebrews 4:15 SND
Sapagkat nakaranas siya na siya ay tuksuhin. Kaya naman kaya niyang tulungan ang mga tinutukso.
Hebrews 2:18 SND
Ipinakita ng ating Panginoong Jesus na maaaring magtagumpay sa kasalanan kahit nasa kalagayang tao. Ipinakita ni Jesus na maaaring sundin ang Sampung Utos ng Dios kahit napapalibutan ng mga tukso at makasalanang mga tao.
Hindi ginamit ni Jesus ang Kanyang pagka-Dios upang maging matagumpay sa mga tukso ni Satanas. Nagtagumpay Siya dahil sa kapangyarihan ng Kanyang Ama. Itinuturo sa atin ni Jesus na maaari rin tayong magtagumpay laban sa mga tukso kung mananatili tayong konektado sa Ama.
Humanity ang namatay ng ipako si Jesus sa krus, at hindi ang Kanyang pagka-dios.
Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa pamamagitan ng Espiritu.
1 Peter 3:18 SND
Qualified at valid ang pagiging Taong Handog at kamatayan ni Jesus
Tulad ng literal na handog na hayop na dapat ay walang dungis ay ganun rin ang ipinamalas ng ating Tagapagligtas na si Jesus. Namuhay Siya sa planetang Earth ng lampas tatlumpung taon bilang tao na tinukso at napapaligiran ng mga kasalanan, ngunit hindi nagkasala.
Dahil dito ay nararapat at valid ang Kanyang pagiging Hando na Tupa. Matagumpay Niyang nasunod ang requirement ng kautusan na ang Tupang Handog at Saserdoteng gaganap sa sanctuary ng bagong tipanan ay dapat walang bahid ng dungis ng kasalanan.
Kung hindi nagtagumpay ang Panginoong Jesus sa mga tukso ni Satanas ay mawawalan ng kabuluhan ang Kanyang pagkamatay sa krus. Hindi katanggap-tanggap sa mga anghel sa langit at iba pang nilalang ang ‘handog na nagkasala’ dahil hindi ito ang requirement ng kautusan. Dito ay makikita rin natin ang kahalagahan ng pagsunod sa kautusan ng Dios, na maging ang Dios mismo ay sumunod sa mga utos.
Dahil sa namuhay si Jesus ng walang kasalanan ay maaari nang maipagpatuloy ang susunod na yugto sa plano ng kaligtasan para sa tao, at ito ay ang pagpatay sa Tupang Handog.

Makikita natin sa pag-aaral na ito na sinusundan natin ang sistema ng sanctuary noon. Nag-umpisa tayo sa encampment na kung saan inihahanda ang handog na dapat ay walang dungis. Ang susunod na seremonya ay ang mismong pagpatay sa tupa.
Salamat sa Dios dahil may magandang plano Siya para sa atin. Salamat sa Ama dahil pinayagan Niya ang Kanyang Anak na maging tao upang magkaroon ng “taong handog” dahil sa tao ang nagkasala. Salamat sa ating Panginoong Jesus dahil tiniis Niya lahat ng tukso at namuhay ng walang pagkakasala para sa atin.
Ang lahat ng ito ay hindi natin ni-request sa Dios. Habang tayo ay makasalanan pa, mahina pa, at walang kakayanang labanan ang kaaway ay kusang nagplano at ginawa ng Dios ang lahat para sa atin.
Ito ay sapagkat nang tayo ay mahina pa si Jesus ay namatay sa takdang panahon … ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin na nang tayo ay makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
Romans 5:8 SND
Ganito tayo kamahal ng Dios.
2 thoughts on “Encampment: nagpapakita kung bakit qualified at valid ang pagiging Taong Handog ni Jesus at Kanyang kamatayan”