Itinuturo ba ng Biblia na maging perpekto tayo sa paglakad bilang Kristiano? Perpekto?! Hindi ba kalabisan yan, eh tao lang naman tayo?
Sa Revelation 14 ay mababasa natin ang mga characteristics ng mga taong madadatnan ni Jesus sa Kanyang pagbabalik na hindi makakaranas ng kamatayan.
“… sapagka’t sila’y mga malilinis… At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis.”
Revelation 14:4-5
Malinaw sa talata na ang “malinis, walang kasinungalingan, at walang dungis” ay “sila”, mga tao, hindi anghel, hindi rin ang ating Panginoong Jesus. Sila ay mga taong naging makasalanan rin at nag-struggle mabuhay sa makasalanang mundo, tulad mo, tulad natin.
Hindi natin itinataas ang tao dito. Hindi natin itinataas ang efforts ng tao pagdating sa kaligtasan. Ipinapakita lang natin na itinuturo ng Biblia na ang mga taong totoong sumusunod sa Dios ay dapat kakitaan ng “walang dungis, walang kapintasan” lalu na ang mga dadatnang buhay pagdating ng ating Panginoong Jesus.
Ang mga nabanggit na katangian ng mga taong tatayo sa bundok ng Zion balang araw, kung iisiping mabuti, ay pawang katangian rin ni Jesus noong Siya ay nabuhay bilang tao dito sa parehas na mundong ating ginagalawan: walang dungis (faultless) at walang kasinungalingan.
Posible ba itong matamo ng mga taong nabubuhay sa panahon ng smartphones, Facebook, Tiktok, Youtue na ang kasalanan ay mas mabilis pang kumalat kaysa sa Covid-19?
Posible ba itong mangyari sa panahong ang pagsisinungaling tulad ng paggawa at pagpalaganap ng mga fake news ay isang lucrative na gawain na? Posible bang mangyari ang perfection sa panahong ang ‘OMG’ at ‘Jesus Christ’ ay pawang mga salitang maririnig kapag nagugulat o nagmumura?
Sa article na ito ay pag-aaralan natin ang apat na klase ng perfection, at aalamin natin kung alin dito ang itinuturo ng Biblia na dapat ay nakikita sa buhay ng Kanyang mga tagasunod ngayon at hanggang sa muling pagdating Niya.
1. Absolute perfection
Tanging ang Dios lamang ang may taglay ng absolute perfection. Maging ang mga anghel sa langit ay wala nito. Bagaman mas mataas ang kalagayan kaysa sa mga tao, ngunit sila rin ay mga nilalang na limitado ang kakayanan.
Maging ang mga banal na maninirahan sa bagong langit at bagong lupa ay wala ring absolute perfection, kahit pa mabubuhay sila ng walang hanggan. Ang mga maliligtas ay walang hanggan nilang pag-aaralan ang biyaya at pag-ibig ng Dios. Ibig sabihin nito, marami pang bagay na hindi nila alam kahit nasa bagong langit at bagon lupa na.
2. Nature perfection
Ang nature perfection ay pumapatungkol sa kalagayan ng isang nilalang. Kung ang nature ng tao ay perpekto, ibig sabihin nito ay hindi na nagkakasakit, walang diperensya sa katawan, mabilis gumana ang isipan, mas malaki ang chance sa paglaban sa kasalanan.
Dahil sa pagkakasala ay bumaba ng bumaba ang quality ng ating pagkatao. Marami sa atin ang antukin, maraming kapansanan, mahina ang pasensya, at ang malungkot sa lahat ay napakabilis nating mahulog sa tukso. In fact, wala tayong kakayanan mula sa ating sarili na labanan ang mga panukso ni Satanas (Romans 7). Dahil sa pagkakasala, ang human nature ay katumbas na rin ng pagiging sinful nature.
Hangga’t hindi naaalis ang sinful nature na ito sa atin ay hindi natin maaabot ang sinless human nature perfection. Ang sinless human nature perfection ay kabaligtaran ng sinful human nature.
Ang human sinless perfection o sinless nature perfection ay mangyayari lamang sa mga tao sa pagdating ni Jesus sa panahong papalitan ang ating katawang nasisira sa isang glorified body tulad ng kay Jesus noong Siya ay nabuhay na magmuli (Philippians 3:21).
Babaguhin niya ang kalagayan ng ating mga hamak na katawan upang maging katulad ng kanyang maluwalhating katawan…
Filipos 3:21 FSV
Ito ay regalo ng Dios sa lahat ng mga magtatagumpay sa kasalanan.
3. Perfect Character Surrender
Hinahangad ng Dios sa Kanyang mga tagasunod ang 100% na character surrender. Ibig sabihin nito ay kapag tinanggap natin si Jesus bilang Tagapagligtas ay isusuko natin ang lahat (100%) sa Kanya.
Ang mga desisyon natin sa mga susunod na minuto, o tatlumpong taon, ay pasailalim dapat sa Kanya. Hindi maaaring ipahayag natin na sundin ang Dios pero pipili lang tayo ng ilan na parte ng ating buhay na ipapasakop sa Kanya.
Ang mga kasalanan na sa ngayon ay hindi pa natin iniisip na kasalanan ay paisa-isa o paunti-unti itong nire-reveal sa atin ng Dios upang mai-confess natin at maihingi ng tawad. Ang mga kasalanang ito ay kabilang sa mga dapat na isinusuko natin sa Dios.
Kung dati-rati ay fashion o arts ang dahilan natin para mag-suot ng backless o revealing clothes kapag pumupunta sa simbahan, at dahil sa ni-reveal satin ng Dios na ang mga ito (at tayo na rin na sumusuot ng ganitong klase ng mga damit) ay magiging kasangkapan upang magkasala ang iba (Matthew 5:27-28), ay hindi na natin ito susuutin kahit pa regalo ang mga ito ng pinakamamahal natin sa buhay.
Ang total 100% character surrender ay nangangahulugang kumpleto o perfect surrender sa Panginoong Jesus. Yan at wala ng iba pang requirement na hahanapin sa atin para sa ating kaligtasan. “Do you love Me with all your heart?” ang tanging tanong ni Jesus na dapat nating sagutin ng may kaseryosohan.
Dios lamang ang magde-deklara
Ang character surrender ay tanging ang Dios lamang ang nakakasukat. Kung ang character surrender ay may mukha at nakikita, magiging magkakaiba ito sa bawat tao. Ito ay sa dahilang hindi sabay-sabay na naipapakita ang bawat kamalian sa bawat anak ng Dios, at hindi rin pare-pareho ng reaction ang bawat tao sa pagtuturo at pagsusuway ng Holy Spirit. Ito ang dahilan kaya maling sukatin ng isang Kristiano ang kapwa base sa sarili niyang karanasan.
Ang bawat tagasunod ni Jesus ay binibigyan ng Dios ng panahon upang lumago sa paglilinis ng character.
Bagaman hindi natin nakikita ang character perfection sa isang iglap sa buhay natin, ay makikita naman ang pagbabago sa paglipas ng panahon.
Kung meron man tayong dapat pagbasehan ng panukat, ito ay walang iba kundi ang buhay ng ating Panginoong Jesus mismo noong nandito pa Siya sa lupa bilang tao. Sa tuwing tinitingnan natin ang buhay ni Jesus ay marami tayong nakikitang mali sa ating buhay, at ito ang mga kasalanang nais ng Dios na i-surrender natin sa Kanya.
Ang mahalaga, sa bawat umaga ng ating paggising ay mag-desisyon tayo na magpasakop ng buo sa nais ng Dios sa ating buhay. Ang desisyong ito ay panghawakan natin hanggang sa pagtulog nating muli sa kinagabihan.
4. Character Perfection
Kung ang ating ninanais sa araw-araw ay lubos na pagpapasakop sa Dios, at ating ginagawa ang Kanyang mga nais sa ating buhay, ay ano ang magiging epekto nito sa ating character? Walang iba kundi maalis sa atin ang mga kasalanan na dati ay hindi natin kino-consider na kasalanan. Ang mga maling gawain na dati-rati ay ipinagtatanggol pa natin, ngayon ay kinamumuhian na natin. Ito ang tinatawag na “growing in Christ” o character perfection.
Sa character perfection ay hindi nangangahulugang wala nang kasalanan ang isang tao sa kanyang buhay. Bawat kasalanang tinatalikuran ay nagpapakita ng perfect character nya right at that moment.
Matapos mapanagumpayan ang isang kasalanan ay tiyak meron na namang ipapakita ang Dios na isa o dalawang kasalanan na kailangang tanggalin sa buhay nya. Dahil dito, ang isang tagasunod ng Dios na kasalukuyang napapailalim sa character perfection ay kakikitaan pa rin ng mga pagkakamali.
Natutulad ito sa isang halaman, na perpektong nabubuo sa bawat yugto ng kanyang paglago.
Tuloy-tuloy ang ganitong “paglilinis at pagtutuwid” sa character ng isang tagasunod habang nabubuhay siya. Ito ang hinahanap ng Dios sa Kanyang bayan sa panahon ngayon. Ang ganitong paglilinis sa kasalanan ay hahantong sa pangako ng Dios na magkakaroon ng “144,000” sa darating na panahon, mga taong dadatnan Niyang buhay at walang kasalanan.
Alin sa apat na perfection ang maaaring matamo ng isang tagasunod sa ngayon?
Sa apat na definition ng perfection, alin sa mga ito ang maaring i-apply sa atin na nabubuhay sa ngayon? Ito ay walang iba kundi ang 100% character surrender na humahantong sa character perfection.
Mahirap bang gawin na magpasakop tayo ng 100% sa Dios? Ito ay mahirap kung hindi natin kilala si Jesus, ngunit automatic na decision ito sa mga naka-experience na ng kapangyarihan ni Jesus sa kanilang buhay.
Ano ang part natin para matamo ang character perfection?
Sa dalawang perfection na ito ay nangangailangan ng dalawang bagay mula sa atin; ito ay ang ating desisyon na magpasakop sa Dios at desisyon na sumunod. Ang dalawang bagay na ito ay hindi mapu-pwersa ng Dios sa atin. Tanging tayo lamang ang gagawa nito.
Ganunpaman, dahil binigyan natin ng karapatan ang Dios na hubugin ang ating character, bibigyan Nya rin tayo ng power to decide and overcome sins, at iyan ang ministeryo ng Holy Spirit sa ating buhay.
Halimbawa ng pagpalinis ng ngipin sa dentista
Halos katulad ito sa isang tao na nais magpalinis ng ngipin. Kailangan niyang umupo at ibuka ang bibig upang magawa ng dentist ang nararapat. Hindi ang taong nakaupo ang gagawa ng paglilinis, kundi ang doctor. Ganun rin sa paglilinis ng ating mga kasalanan, hindi tayo ang gagawa nito. Ngunit kailangan natin pahintulutan ang Dios na linisin ang ating puso at isipan.
Dahil sa ating sinful human nature ay wala tayong lakas na mag-decide para pasakop sa Dios, lalung-lalu na ang sumunod dahil nangangailangan na ito ng pagkilos. Dahil dito ay nararapat sa atin na humihingi ng tulong at lakas mula sa Holy Spirit araw-araw upang tayo ay makapag-decide na patuloy na pasakop at sumunod sa Dios.
Bagaman may bahagi tayong dapat gampanan upang matamo ang character perfection na hinahangad sa atin ng Dios, ay kailanman hindi natin ito maipagmamalaki. Maging ang pag-decide ng ‘oo’ para sundin ang Dios ay utang na loob pa natin sa Holy Spirit.
Character perfection ang dudurog kay Satanas
Kung ang mga anak ng Dios na nabubuhay ngayong generation ng computers at iPhones ay totoong sumusunod sa Dios at patuloy na pasasailalim sa character perfection program Niya ay malamang dumating na muli si Jesus at maaari na Niyang ipahayag ang nakasulat sa Revelation 14:12 na:
“Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.”
Tandaan natin na buburahin ng Dios once and for all si Satanas at ang kasalanan, ngunit ito ay gagawin Niya sa ilalim ng ating mga paa. Ibig sabihin ay dapat nakikita sa ating buhay ang tunay na pagsunod sa mga kautusan ng Dios upang tuluyang maitakwil si Satanas.
At ang Diyos ng kapayapaan ay malapit nang dumurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.
Roma 16:20
Sikapin nating sa bawat umaga sa pagising ay unahin ang Dios at ipanalangin na i-reveal sa atin ang mga kasalanang dapat ihingi ng tawad, at patuloy na mag-decide na sundin ang Dios sa bawat yugto ng ating buhay. Patuloy tayong magpasakop sa Dios hanggang sa makita ang character ni Jesus sa ating buhay.