• Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan…

    Exodus 23:1-3
ang galing ni God fake news troll mapanirang memes

Bible verses tungkol sa fake news, trolls, at mapanirang memes

[addthis tool="addthis_inline_share_toolbox_qk34"]

Kung inaakala nating mas mamahalin ng marami ang katotohanan dahil malayo na tayo sa panahong marami ang “illiterate” ay totoong nagkakamali tayo. Tunay nga ang sinasabi ng Biblia na habang tayo ay napapalapit sa pagtatapos ng mundo ay mas lalala at bababa pa ang moralidad ng mga tao.

Isa sa kinamumuhian ng Biblia ay ang pagpapakalat ng kasinungalingan. Sa panahon ng Facebook at Twitter, ang tawag sa isang porma ng kasinungalingan ay fake news, disinformation, at mapanirang memes.

Nakakalungkot na marami sa atin ang nagpapakalat ng fake news at mapanirang memes. Ang mga taong gumagawa nito ay trolls, bayaran man o hindi. Walang sinasantong social status ang pagiging troll at pagpapakalat ng kasinungalingan.

Sa ayaw o gusto man natin ay totoong pumasok na ito sa iba’t-ibang samahan sa loob ng Kristianismo. Hindi maikakaila na maging ministro, pari, pastor, asawa ng pastor, naghahangad maging pastor, elder sa iglesia, bishop, care group leaders, teachers ng small groups, nagpapakilalang mga missionaries, at iba pa ay nagiging kabahagi ng mga fake news at mapanirang memes dahil sa pag-like at pag-share ng mga ito.

Marahil ay inaakala ng marami na ang simpleng pag-like o pag-share ng mga images na may caption na maaaring makasira sa isang tao ay okay lang. Karamihan sa nagse-share ng ganito ay may poot sa dibdib, na kalimitan ay hango sa fake news ang pinagmumulan ng poot; at isang paraan upang “makaganti” ay pahiyain ang taong nasa meme.

Ito ay hindi maganda at maaaring makaapekto sa spiritual na buhay ng isang tao. Huwag nating haayang mawala ang kaligtasang ibinigay ng Dios sa atin dahil lamang sa fake news at mapanirang memes.

Pagkamuhi ng Dios sa fake news at mapanirang memes

Bilang paala-ala, narito ang ilang mga talata mula sa Biblia na nagpapakita sa atin na totoong kinamumuhian ng Dios ang pagpapakalat ng fake news o kasinungalingan:

Huwag kang magkakalat ng di-totoong balita. Huwag kang makikipagkapit-kamay sa taong masama upang maging isang saksing may masamang hangarin.”

Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan…”

Exodus 23:1-3

“Ngunit kung kayo’y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.”

James 3:14

“Hindi nagsisinungaling ang tapat na saksi,
    ngunit ang bulaang saksi ay mga kasinungalingan ang sinasabi.”

Proverbs 14:5

Mandarayang manggagawa

Kung tayo ay binigyan ng opportunity at privilege na makibahagi sa gawain ng Dios ay nararapat tayong pumanig lagi sa katotohanan.

“Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa…”

2 Corinthians 11:13

Si Satanas ang ama ng fake news at mapanirang memes

Noon pa man sa langit ay nauso na ang fake news, at si Lucifer, na ngayon ay tinatawag na Satanas, ang pinagmulan nito. Ang pagsisinungaling ay hindi galing sa Dios, kundi sa kaaway na ama nito.

Kayo’y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya’y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan.

John 8:44

Walang puwang ang fake news sa langit

“At nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma, ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.”

Revelation 12:7-8

Walang fake news peddler sa bagong langit at lupa

Dahil sa labag sa prinsipyo ng Dios ang pagsisinungaling, walang fake news peddler na makakapasok sa kaharian ng Dios.

“Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.”

Revelation 22:15

Kamatayan sa apoy ang naghihintay sa fake news peddler

“Ang sinungaling na saksi ay tiyak na parurusahan,
    at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay mamamatay.”

Proverbs 19:9

“Ngunit sa mga duwag, sa mga hindi nananampalataya, mga karumaldumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”

Revelation 21:8

“…kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.”

Hebrews 10:27

Sinasadyang pagsisinungaling

Ang pag-share mo ba ng fake news ay pinag-isipan mong mabuti? Kung ‘oo’, ibig sabihin nito ay sinasadya na nating magkasala. Wala na tayong pinagkaiba doon sa mismong nag-spent ng panahon upang magsulat ng fake news o magdisenyo ng mapanirang memes. Kung magkaganon, narito ang paalala sa atin ng Biblia.

Kaya nga’t matapos nating tanggapin si Jesus bilang Tagapaglitas, ngunit nagpapatuloy tayo sa sinasadyang pag-share ng mga fake news at mapanirang memes, at dahil sa ayaw ng Dios ng kasinungalingan ay totoong mawawala ang libreng kaligtasang naibigay sayo.

Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,”

Hebrews 10:26

Nalalapastangan ang Dios

Hindi sapat na sabihin nating kilala natin si Jesus o nasa panig na tayo ni Jesus dahil sa tinanggap na natin Siya bilang Tagapagligtas sa pamamagitan ng bautismo, hindi sapat iyon. Dapat ay nakikita sa ating pagkilos at gawa ang bunga ng pagpapasakop sa Dios.

“Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila’y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.”

Titus 1:16

“At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.”

Revelation 20:12

Opo, kaibigan, sa ating pagsambit na “mahal natin ang Dios” ay nararapat makita ito sa ating pagkilos maging sa social media, dahil lahat ay hahatulan sa kani-kanilang mga gawa.

Pasama ng pasama ang mundo

Ang mundo ay magiging pasama ng pasama, ngunit ang payo sa atin ng Biblia ay iwasan natin maging kabahagi sa gawain ng kasamaan.

“At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.”

Ephesians 5:11

May pag-asa pang magbago

Hindi pa huli ang lahat. Habang may buhay ay may pag-asang magbago. Walang mawawala sa atin kung tayo ay papanig lagi sa katotohanan. May pagpapala pa nga tayong makakamit at iyan ay ang makapiling ang Dios sa buhay na walang hanggan.

Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.

2 Peter 3:9

“Kaya’t pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo’y mga bahagi ng isa’t isa.”

Ephesians 4:25

Kung totoong mahal natin si Jesus ay magiging tagasunod tayo sa Kanyang mga utos, at isa sa mga kautusang ito ay paglaban sa mga kasinungalingan.

“Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”

John 14:15
Visited 421 times, 1 visit(s) today
[addthis tool="addthis_inline_share_toolbox_qk34"]

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *