Pagdisenyo ng Dios ng Kanyang bahay ay upang matutunan natin ng tama ang kaligtasan


Naisip mo na ba kung paano dinesenyo ng Dios ang Kanyang bahay? Nakatitiyak tayong ito ay extravagant at hindi kayang maipaliwanag ng tao sa sobrang elegante at majestic nito!

Ngunit nang magkasala ang tao ay ginamit ng Dios ang Kanyang tahanan o sanctuary bilang object lessons para matutunan natin ng tama ang Kanyang kaligtasan. Sinimplehan na lamang ng Dios ang interior design ng Kanyang bahay alang-alang sa atin.

Lahat ng detalye sa bahay ng Dios o sanctuary ay nagtuturo sa atin sa Daan ng Dios. Kapag ito ay ating pinag-aralan ay makikita natin primarily ang Panginoong Jesus mismo at Kanyang mga gawain para sa atin.

Ang sanctuary ay isang lugar kung saan inaalagaan ang mga naroon at inilalayo sa kapahamakan. Ganito ang nasa isipan ng Dios ng gawin Niya at ibigay ang sanctuary sa tao– upang maingatan, makasama, at makausap ang Kanyang mga nilalang na ligtas sa kasalanan at kamatayan.

Dios ang nagdisenyo ng sanctuary

Sa Exodus 25 ay mababasa natin ang detalye ng sanctuary.

Hindi ipinaubaya ng Dios kay Moises kung anu-ano ang mga ilalagay sa loob ng Kanyang bahay na ipinagawa Niya sa ilang. Ang Dios mismo ang nagdisenyo ng lahat ng detalye magmula sa mga furniture na makikita sa loob, mga activities na gagawin doon at kung kailan ito gagawin, at ang mga roles na gampanin ng mga individuals na gagalaw sa sanctuary. Ang tanging gagawin ng mga tao ay sundin ang lahat ng tagubilin ng Dios.

The fact na ang Dios ang nag-isip, nagplano, nagdisenyo ng lahat ng makikita sa sanctuary ay dapat nagtuturo ito sa atin ng labis na kahalagahan nito; isang bagay na dapat nating pinag-aaralan lalu na sa ating kapanahunan dahil nababasa natin sa Bagong Tipan na may totoong sanctuary sa langit ngayon at ang High Priest na gumagalaw sa loob ay walang iba kundi ang ating Panginoong Jesus (Hebrews 8:1-3).

Sa article na ito ay bibigyan natin ng summary ang physical aspect at interior design ng bahay ng Dios. Bibigyan rin natin ng maikling applications ang mga ito upang lalu natin ma-appreciate ang purpose ng sanctuary sa ating kapanahunan.

Sections ng sanctuary (bahay ng Dios)

Ang sistema ng sanctuary ay nahahati sa apat na sections at ang bawat section ay may mga gawain at furniture na pawang may sinisimbuluhan na ang totoong kaganapan ay nagtuturo sa atin ng Daan ng Dios sa kaligtasan.

Ang bawat section ng sistema ng sanctuary ay nagpapakita ng iba’t-ibang stages ng paglalakbay ng tao patungo sa Dios. Sa unang section ay makikita ang Encampment kung saan naroon ang mga taong nangangailangan ng kaligtasan ng Dios. Sa ikalawang section ay ang Outer Court ng sanctuary na dito naman pinapawalang sala ang taong nagbabalik-loob sa Dios. Sa ikatlong section ay ang Holy Place na kung saan hinahasa ang character ng taong nais makapiling ang Dios ng walang hanggan. At sa ika-apat na section ay ang Most Holy Place na kung saan makakasama ng tao ang presensya ng Dios sa pamamagitan ng Mercy Seat at Shikinah glory.

Una ay ang encampment

Dito makikita ang mga tents o bahay ng mga Israelita na nakapalibot sa sanctuary. Tatlong tribes ng Israel ang nakapwesto sa labas ng sanctuary: 3 sa north, 3 sa south, 3 sa east, at 3 sa west.

Dito rin inihahanda ang mga handog na dadalhin sa sanctuary tulad ng tupa na dapat ay walang kapintasan. Ang mundo na ating ginagalawan ang sinisimbuluhan ng kampamento. Sa planetang Earth pinalaki si Jesus bilang Tupang Handog (John 1:29) na walang kapintasan.

Kaya nga’t upang makita ng lubos ang lessons na itinuturo ng sanctuary sa atin ay nararapat na maisama natin ang encampment kung saan naroon ang mga tao.

Pangalawa ay ang Outer Court

Dito makikita ang pinto o daan papasok sa sanctuary. May iisang daan o gate lamang ang sanctuary kung saan pumapasok at lumalabas ang mga tao. Ang daang ito ay sumisimbolo sa ating Panginoong Jesus na nag-iisa at tanging Daan patungo sa Ama at kaligtasan (John 14:6).

Sinadya ng Panginoon na ang daan ay nakaharap sa silanganan. Ito ay upang ang mga taong papasok at sasamba sa Dios sa sanctuary ay nakatalikod sa araw. Ito ay upang ilayo ang mga Israelita sa pagsamba sa araw (sun worship) na ginagawa ng mga pagano. Sa huling kapanahunan ay malaking bagay ang issue ng pagsamba sa araw, at makakatulong ang pag-aaral ng sanctuary upang mailayo ang mga tao sa huwad na pagsamba.

Sa outer court ay makikita ang Altar of Sacrifice o Altar of Burnt Offerings kung saan sinusunog ang mga inihahandog na hayop. Ito ay sinisimbuluhan ng cross kung saan inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa atin.

At kung hahakbang pa ng konti ay makikita naman ang Laver o wash basin na pinanghuhugasan ng kamay ng priest bago ito pumasok sa susunod na section ng sanctuary, ang Holy Place.

Ang laver ay sinisimbuluhan ng pagkalibing ni Jesus na kasama ang ating mga kasalanan, at Kanyang muling pagkabuhay. Kahalintulad ito ng pagbabautismo sa tubig na kung saan ay ceremonially ibinabaon natin sa hukay ang mga kasalanan at bumabangon tayo na may bagong buhay.

Sa Outer Court dinideklara at pinapawalang-sala sa pamamagitan ng dugo ni Jesus ang taong nagsisisi at nagnanais makasama ang Dios

Pangatlo ay ang Holy Place

Ito ang sanctuary proper kung saan may bubong at tanging mga pari lamang ang nakakapasok. Sa loob ng Holy Place ay may tatlong furniture na makikita.

Sa gawing south o left side ay makikita ang Golden Lampstand na may Seven Candlesticks. Ang Lampstand na ito ay purong ginto at sinisigurong laging may liwanag sa pamamagitan ng palagiang paglalagay ng oil sa bawat candlestick. Ito ang nagsisilbing ilaw sa loob ng sanctuary.

Nirerepresentahan nito ang liwanag ni Jesus sa buhay ng bawat nagtitiwala sa Kanya, na nagre-reflect naman sa madilim na mundong puno ng kasalanan na ating ginagalawan.

Sa kanan naman o north side ay ang Golden Table of Shewbread na may lamang labingdalawang tinapay. Ang mga tinapay ay ina-arrange sa dalawang stacks, anim bawat stack, at sinisigurong ito ay bago at fresh tuwing Sabbath (Leviticus 24:8).

Ang tinapay ay nagsisimbolo sa ating Panginoong Jesus bilang Bread of Life at Salita ng Dios. Ang bilang na labingdalawa ay nagpapahiwatig na may sapat na pagkain bilang provision ng Dios para sa Kanyang bayan.

Katabi ng veil o kurtina na humahati sa Holy Place at Most Holy Place ay ang Golden Altar of Incense. Ito ang nagbibigay ng mabangong perfume sa loob ng sanctuary. Sinisimbuluhan naman nito ang panalangin ni Jesus kasama ang mga prayers ng mga anak ng Dios bilang mabangong insenso na umaakyat sa trono ng Dios sa langit.

Ang Holy Place ay sumisimbulo sa paghahasa ng character ng isang taong nilinis na ng Dios sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. Pagbabasa ng Biblia (Table of Shewbread), pananalangin (Altar of Incense), at pagbabahagi ng pag-ibig ng Dios (Lampstand) ang tatlong mga gawain upang mabago ang character ng isang kristiano bilang paghahanda na makita at makasalamuha ang Dios.

Pang-apat ay ang Most Holy Place

Meron lamang iisang furniture na makikita sa loob ng Most Holy Place at ito ay ang Golden Ark of the Covenant. Makikita sa loob ng Ark of the Covenant ang Sampung Utos ng Dios, ang sample ng manna, at ang Aaron’s rod na bagaman patay na pero namulaklak pa rin.

Bilang pantakip sa Ark of the Covenant ay ang Mercy Seat na nirerepresentahan ng trono ng Dios sa langit. Dalawang cherubim (o angels) naman ang makikita na tumatakip sa Mercy Seat gamit ang kanilang mga pakpak.

Sinisimbuluhan ng Most Holy Place ang trono ng Dios sa langit. Sa section na ito tuluyang makakasalamuha ng tao ang Dios tulad noong bago magkasala sila Adan at Eba, nakakausap nila ang Dios ng mukhaan.

Ang mga applications ng sanctuary na ating na-discuss ay ilan lamang sa marami pang mga katotohananang ating makukuha sa pag-aaral ng sanctuary. Bibigyan natin ito ng mas malalim pang pag-aaral sa mga susunod na articles.

Disenyo ng bahay ng Dios para sa ating kaligtasan

Mahalaga sa isang mag-aaral ng Biblia na tama ang pagkaalam ng mga detalye ng sanctuary na mismong ang Dios ang nagdisenyo. Ito kasi ang ibinigay ng Dios na pattern o modelo upang maunawaan natin ng tama ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas.

Sa susunod na article ay pag-aaralan naman natin ang mga gawain sa loob ng templo at kung paano ito natupad, natutupad, at tutuparin ng ating Panginoong Jesus.

Ganito tayo kamahal ng Dios. Hindi lamang sa ibinigay Niya ang Kanyang nag-iisang Anak para sa ating kaligtasan, hindi lamang sa ibinigay Niya ang Biblia para sa ating spiritual na kaalaman at pagbabago ng buhay, hindi lamang sa ginagamit Niya ang mga anghel at mga propeta upang turuan tayo sa tamang daan, kundi mismong ang Kanyang tahanan ay dinesenyo Niya bilang gabay sa atin laban sa mga maling aral.

Lahat ay ginagawa ng Dios para sa atin. Inaanyayahan Niya tayong pumasok sa Kanyang tahanan, sa Kanyang sanctuary.

Ano ang tugon natin?


3 responses to “Pagdisenyo ng Dios ng Kanyang bahay ay upang matutunan natin ng tama ang kaligtasan”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *