Sa Tatlong Persona ng Godhead ay may isang nag-volunteer na maging tao upang muling mabigyan ng pagkakataon ang sangkatauhan na makapiling at makausap ang Dios ng mukhaan at ligtas sa anumang kasalanan. Kilala Siya sa pangalang Jesus. Isa rin sa pangalan Niya ay Emanuel, na ang ibig sabihin ay “God with us”.
Bakit kailangang magkatawang-tao ang Dios?
1. Upang makilala ng tao kung sino talaga ang Dios
Sa Garden of Eden ay mukhaang nakakausap ng tao ang Dios, ang Lumalang sa kanya.
Ngunit ng pumasok ang kasalanan ay nararapat na magkaroon ng tabing sa pagitan ng Dios at ng taong nagkasala dahil kung wala ang tabing ay mamamatay ang taong makasalanan sa harap ng Dios (Exo 33:20; Deut. 4:23,24).
Ayon sa John 17:3 ay dapat makilala natin ang Dios para sa ating kaligtasan, ngunit hindi ito mangyayari kung may tabing. May solusyon agad ang Dios sa problemang ito.
Sa Old Testament ay ginamit ng Dios ang mga simbolismo, mga seremonya, mga religious holidays na umiikot sa sanctuary upang ipakilala ang Kanyang sarili at ang paraan ng kaligtasan. Ang mga simbolismong ito ay tinatawag na “shadows” o “types” o “object lessons” na pawang maghahatid sa atin kay Jesus.
Ang mga ito ang itinuro ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ito rin ang pinag-aralan ng mga Wise Men at naging dahilan upang malaman nila ang panahon ng pagsilang kay Jesus.
Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak…
Hebrews 1:1-2
Dahil sa hindi maaaring magpakita ang Dios sa taong makasalanan ay nagkatawang tao si Jesus upang makilala natin ang Dios. Kung si Jesus ay hindi Dios hindi Niya lubos na maipapakilala kung sino talaga ang Dios.
Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang likas…
Hebrews 1:3
At naging tao ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.
John 1:14
2. Upang may taong mamatay para sa kasalanan ng sangkatauhan
Sinasabi sa atin ng 1 Timothy 6:15-16 na ang Dios ay immortal at may-ari ng buhay, dahil dito ay imposible sa Kanya ang mamatay.
Para matubos ang tao sa pagkakasala ay kailangang may mamatay. Dahil sa pagibig sa atin ng Dios ay nagkusa si Jesus na maging tao upang mamatay para sa ating mga kasalanan. Ito ang isang dahilan kaya nararapat Siyang maging tao. Si Jesus ay totoong namatay para sa atin.
…nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
Hebrews 2:9
Hindi ang Dios ang namatay kundi ang pagiging tao ni Jesus.
Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu.
1 Peter 3:18
3. Upang magkaroon tayo ng Tagapamagitan sa Ama
Magkaiba ang “maramdaman mo ang pagdadalamhati ng taong namatayan” sa “ikaw mismo ang nawalan ng mahal sa buhay”. Si Jesus ay tumahan sa gitna natin, namuhay ng tulad sa atin. Alam Niya kung ano ang pakiramdam ng taong gustong maligtas ngunit nakatanikala sa hagupit ng kaaway.
Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.
Hebrews 5:1-2 ABTAG
Dahil sa naranasan ni Jesus kung paano ang buhay sa mundong punong-puno ng kasalanan ay nararapat Siyang maging Representative natin sa langit, o Tagapamagitan natin sa Ama.
“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.
John 14:6 ABTAG
4. Upang saklolohan ang mga tinutukso ng kaaway
Kung si Jesus ay pumunta sa lupa bilang Dios, hindi Siya maaaring tuksuhin ni Satanas (James 1:13), dahil iniisip pa lamang ni Satanas ang kanyang gagawin ay alam na ni Jesus.
Hindi patas ang ganitong pangyayari at tiyak magkakaroon ng simpatiya ang marami para sa kaaway. Dahil dito ay kailangang magkatawang tao si Jesus at tuksuhin ng kaaway bilang tao.
Sapagkat tayo’y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y walang kasalanan.
Hebrews 4:15
Palibhasa’y nagtiis siya sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso.
Hebrews 2:18
5. Upang patunayan na maaaring masunod ng tao ang kautusan ng Dios
Sa pamamagitan ng Kanyang pamumuhay na hindi nagkasala ay napatunayan ni Jesus na maaaring sundin ang kautusan ng Dios kahit nabubuhay sa mundong makasalanan.
Ang perfect life na ito ni Jesus ay maaari na Niyang ibigay sa atin upang tayo man ay maging karapatdapat sa harap ng Dios kung tayo ay papasakop kay Jesus.
Matapos tayong takpan ng righteousness ni Jesus ay hinihimok Niya tayong lumakad rin ng tulad sa Kanyang pagsunod sa Ama.
Ang nagsasabing siya’y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad.
1 John 2:6
Sapagkat ukol dito kayo’y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo’y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak.
1 Peter 2:21
Ang pamumuhay na walang kasalanan sa gitna ng mundong makasalanan ang siyang standard na binigay ng Dios sa atin.
Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”
John 8:11
Ganunpaman, hindi tayo ang gagawa nito sa ating buhay kundi ang Holy Spirit. Ang tanging gagawin natin ay makipag-cooperate sa plano ng Dios sa ating buhay, at sumunod.
6. Upang maging impartial Judge
Ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.
John 5:22
Lahat ng tumanggap kay Jesus ay haharap sa judgment seat upang mapatunayan ang sincerity ng kanyang pananampalataya. Ang sincerity ng pananampalataya kay Jesus ay makikita sa pamamagitan ng mga ipinamalas na gawa.
Sapagkat tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.
2 Corinthians 5:10
Ang good news sa judgment na ito ay si Jesus na bilang Judge ay Siya ring Tagapagtanggol natin laban sa mga pinupuntos ni Satanas.
Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo’y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid.
1 John 2:1
Nang dahil si Jesus ay naging tao, nakakasiguro tayo na ang Judge ay nakakaunawa ng ating kalagayan at mare-represent Niya tayo ng tama sa heavenly court bilang Tagapamagitan.
Nang dahil si Jesus ay naging tao, hindi natin magagamit ang reasoning na “ako ay tao lamang kaya laging nagkakamali” o “ikaw kaya ang maging tao at nang maranasan mo ang hirap ng buhay”, dahil ang lahat ng ito ay naranasan ni Jesus bilang tao ngunit Siya ay nagtagumpay. Ang Kanyang tagumpay laban sa kasalanan ay hindi dahil sa sarili Niyang kapagyarihan bilang Dios, kundi dahil sa pananampalataya Niya at relasyon sa Ama sa araw-araw.
7. Upang madala Niya tayo sa bagong langit at bagong lupa
At kung ako’y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako’y babalik at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon.
John 14:3
Naging tao ang Dios, si Jesus, at namuhay ng walang bahid ng kasalanan sa mundong ating ginagalawan. Pinatay sa krus ngunit nabuhay Siyang muli upang bigyan tayo ng pagkakataong makaahon sa pagkakasala.
Kung tayo ay lalapit sa Kanya at hihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala at maniniwala sa kapangyarihan ng Kanyang pagliligtas sa atin, sa Kanyang pagbabalik dito sa lupa ay isasama Niya sa langit ang mga magtatagumpay.
Ganito tayo kamahal ng Dios. Siya na lumalang sa atin ay may plano na agad upang tayo ay iligtas sa pagkakasala at muli Siyang makapiling ng mukhaan. Ito rin ang pinaka-purpose ng sanctuary ng Dios.
One thought on “Bakit kailangang magkatawang-tao ang Dios?”