Ama naming nasa langit,
Nagpapasalamat po kami at hindi Ninyo kami pinababayaan. Dahil sa iningatan Ninyo kami noon ay buo ang aming tiwala na patuloy Ninyo kaming iingatan ngayon.
Salamat po sa mga taong tumutulong upang malabanan ang paglaganap ng coronavirus sa China at sa buong mundo. Salamat po sa mga doctors, nurses, scientists, at mga volunteers upang mapabilis ang pagsupil sa nakamamatay na virus.
Salamat po sa pagbibigay Ninyo sa kanila ng sapat na talino, kaalaman, inspirasyon, motivation, at lakas upang gawin nila ang nararapat para sa nakakarami kapalit man nito ay kanilang buhay.

Salamat po sa mga civic at government leaders, airport personnel, at mga kapulisan na nagbibigay ng kaayusan upang matiyak na hindi na lalaganap pa ang sakit sa mas nakakaraming mamamayan.
Salamat po sa siyensa at technology, na sa maraming pagkakataon ay mas pinahahalagahan namin kaysa sayo, ngunit patuloy Ninyong ginagamit upang matulungan kami na mapabilis ang pagbigay ng solution lalu na sa mga pagkakataong tulad nito.
Naniniwala po kami na bagaman marami sa kanila ang nasa panganib ay susuklian mo naman ito ng labis na kabutihan para sa kanila o kanilang mga mahal sa buhay, kung hindi man sa kasalukuyang buhay na ito ay tiyak na makakamit nila ito sa darating na walang hanggang buhay na ligtas sa mga sakit at kasalanan.
Panalangin po namin na patuloy po Ninyo silang gabayan at samahan.
Salamat po sa mga taong Inyong ginagamit upang mabigyan ng inspirasyon at lakas ng loob ang mga nasa frontlines nang paglaban sa paglaganap ng coronavirus.
Sa ganang amin ay patuloy po kaming magtitiwala sa Inyong pamamatnubay at pagtuturo sa amin kung ano ang aming nararapat gawin upang maiwasang maging sanhi o kabahagi ng paglaganap ng problema.

Nawa ay magsilbing lesson ito sa amin na patuloy kaming makinig sa Inyong karunungan lalu na sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa aming katawan, kalusugan, at kapaligiran; na ito ay aming maingatan bilang mga katiwala ng Inyong nilikha.
Ang maikling panalangin pong ito ay alam namin Inyong pinakikinggan hindi dahil sa kami ay karapatdapat kundi dahil ito ay hinihiling namin sa pamamagitan ng Inyong Anak na si Jesus. Amen.
One thought on “Amang banal, ingatan nyo po ang mga scientists, medical personnel, volunteers na lumalaban sa paglaganap ng coronavirus”